TUGUEGARAO CITY-Tinutugunan na ng National Irrigation Administration-Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) ang ilang problema kaugnay sa paghahatid ng mga warning signals sa tuwing magpapalabas ng
tubig ang dam.

Sa isinagawang Communication Simulation Flood Drill, sinabi ni Engr. Carlo Ablan, Acting Division
Chief ng Magat Dam Reservoir Division ng NIA-MARIIS na may mga iminungkahi upang maihatid ng maayos
ang mga early warning cignals kapag may kalamidad.

Batay sa suhestiyon ng Office of Civil Defense RO2, magkakaroon ng virtual o online call sa lahat ng
mga ahensiya na kinabibilangan ng NIA-MARIIS, PAGASA, Provincial at LGUs upang masubaybayan ang mga
abiso ng pagpapakawala ng tubig ng Magat Dam.

Magsisilbi din aniya itong real-time monitoring sa pagtiyak na nakarating sa bawat ahensiya ang mga
abiso.

Iminungkahi naman ng PAGASA ang pagkakaroon ng bawat ahensiya o LGUs ng official email account at
dedicated line kung saan dito ipapadala ang mga abiso.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nakikipag-ugnayan na rin ang pamunuan ng NIA-MARIIS sa Globe Telecom hinggil sa ipinarating
na problema ng CDRRMO ng Tuguegarao City sa pagkakaputol ng mga text alerts na ipinadadala sa mga
subscribers dahil sa Fair Usage Policy ng mga telco.

Tiniyak naman ni Ablan ang mahigpit na monitoring sa estado ng dam kung saan mula sa dating anim na
oras ay ginawa nang 24 hours bago ang pagpapalabas ng tubig sa Magat dam mula sa oras na naipadala ng
NIA-MARIIS ang mga warning cignals.

Bawat ahensiya na napadalhan ng mga warning cgnals ay kailangang may acknowledgement o pagtugon na
nakarating sa kanila ang babala.

Ito ay upang mabigyan ng babala kapag malapit ng umabot sa spilling level ang dam at agad makalikas
ang mga residente sa mga lugar na maapektuhan ng pagpapakawala ng tubig.

Matatandaan na isinisi ng ilang opisyal ang malawakang pagbaha sa lalawigan ng Cagayan lalo na noong
bagyong Ulyssess ay bunsod ng pagpakawala ng Magat dam ng tubig sa panahon ng bagyo.

Samantala, sinabi ni Ablan na may mga ipinatutupad nang mga pagbabago para sa dam safety sa tulong ng
National Disaster Risk Reduction Management Council.