Sinimulan na ng mga mamayan ang paglilinis sa puntod ng kanilang mahal sa buhay kaugnay sa paggunita ng Undas 2024.

Sa pag-iikot ng Bombo Radyo sa ilang sementeryo dito sa lalawigan ng Cagayan, kapansin-pansin ang malinis, maayos at bagong pinturang mga puntod.

Sa panayam kay P/SSgt. Adrian Kate Ceria ng Philippine National Police sa bayan ng Piat, sinabi niya na sinamantala ng ilang mamamayan ang mag-ayos sa libingan ng kanilang mahal sa buhay ng gumanda ang panahon nitong nakalipas na araw matapos lumabas sa Philippine Area of Responsibility ang bagyong Kristine.

Ayon kay Ceria na nagsimula rin ang kanilang pagbabantay sa dalawang pangunahing sementeryo sa bayan ng Piat nitong nakalipas na mga araw bilang tugon sa direktiba ng kanilang higher headquarters para sa kaligtasan ng mga cemetery-goers.

Hinimok niya ang publiko na maglinis na sa puntod ng kanilang mayapang mahal sa buhay dahil mahigpit nilang ipatutupad ang pagbabawal sa pagdadala ng mga matatalim na bagay sa November 1 at 2.

-- ADVERTISEMENT --

Paalala pa ni Ceria na bawal din ang pagpasok ng alak sa mga sementeryo kung saan pati ang nakagawiang pagdadala ng alak para sa alay o atang sa Ilocano ay hindi papayagan sa mismong araw ng All Souls Day at All Saints Day.

Paliwanag ng opisyal na ito ay para maiwasan ang mga krimen na posibleng maganap dahil sa impluwensiya ng nakalalasing na inumin.

Umapela si Ceria sa publiko na maging disiplinado sa pagbisita sa mga sementeryo para sa kapakanan ng bawat isa.

Binigyang diin ni Ceria na pinakamahalaga ang pag-aalay ng dasal na siyang pinakakailangan ng mga namayapang mahal sa buhay sa halip na ang pag-aalay ng mga materyales na bagay.