TUGUEGARAO CITY-Nagbabala ang punong barangay ng Caritan Centro,Tuguegarao City sa mga nagbabalak na magtapon pa ng basura sa kanilang lugar.
Sinabi ni Rey Ramirez na mayroon na silang mga naaktuhan na nagtapon ng mga basura sa bakanteng lote sa kanilang barangay na mula sa ibang barangay ng lungsod.
Ayon sa kanya,pinagmulta ang mga ito ng tig-P500 pesos batay sa barangay ordinance at community service sa kanilang barangay na isang linggo.
Sinabi ni Ramirez na ang mga nahuli nilang nagtapon ng mga basura sa kanilang lugar ay mula sa Ugac Norte,Linao West,Pallua Norte at San Gabriel.
Ayon kay Ramirez,sinabihan siya ni Atty.Noel Mora, head ng City Environment and Natural Resources Office na kasuhan ang mga ito ng paglabag sa Anti-Dumping Act upang sila ay magtanda.
Idinagdag pa ni Ramirez na ilalapit na nila ang CCTV sa kung saan itinapon ang mga basura upang makilala kung sinuman ang mga magtatapon pa kanilang mga basura.
Ito ay dahil malabo ang kuha ng CCTV sa isang lalaki na nakamotorsiklo na nagtapon doon ng basura.
Ayon sa kanya, nakarehistro ang motorsiklo sa isang Rolando Santos na may address na Quezon City.
Kaugnay nito, sinabi pa ni Ramirez na sinabihan na rin niya ang mga malalaking establishment sa kanilang barangay na magkaroon ng tatlong malalaking tapunan ng kanilang mga basura.