Sinibak sa pwesto ng Eastern Police District ang apat na miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) matapos mamataang dumalo sa isang private event sa naturang lungsod.
Ito ang kinumpirma ni Eastern Police District (EPD) Director Police Brig. Gen. Wilson Asueta.
Una rito ay binalaan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. ang mga pulis na nauugnay sa “moonlighting” o rumaraket sa pag-eskort sa pribadong indibidwal.
Paglilinaw pa ni Asueta na ang naturang miyembro ng SWAT ay hindi mula sa Batangas kagaya ng unang napaulat.
Ang pagsibak sa mga ito ay layon lamang na bigyang daan ang imbestigasyon sa naturang usapin.
Una rito, kumalat sa social media ang larawan kasama ang apat na tauhan ng SWAT team.
Batay sa ulat, ang apat na SWAT ay tumayo bilang security sa ginanap na soft launching ng isang networking company.
Giit ng mga sinibak na pulis, sila ay nagsasagawa ng visibility patrol sa lugar nang inimbitahan sila na pumasok sa venue at nakipag-picture sa kanila ang mga nagdaos ng naturang event.