TUGUEGARAO CITY-Isinara para sa lahat ng sasakyan ang ilang mga tulay sa Region 02 matapos umapaw ang tubig dahil sa epekto ng Bagyong Rolly.
Ayon kay Francis Joseph Reyes ng Office of the Civil Defense (OCD) Region 2, ilan sa mga tulay na hindi madaanan ngayon ay ang Cabagan-Sta Maria overflow bridge at Cansan-Bagutari overflow bridge sa Cabagan; Alicaocao overflow bridge sa Cauayan City; Turod-Bangkero overflow bridge sa Reina Mercedes; Gucab overflow bridge sa Echague at San Francisco spillway bridge sa probinsya ng Quirino.
Bukod dito, hindi rin madaanan ang Bonifacio street corner pinacanauan national road dito sa lungsod ng Tuguegarao dahil sa naranasang pag-ulan nitong nakalipas na araw.
Dagdag pa ni Reyes na sarado rin ang Baculud overflow bridge sa Ilagan City sa probinsya ng Isabela dahil sa pinapairal na Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) bilang pag-iingat sa pagtaas ng bilang ng naitatalang kaso ng covid-19.
Samantala, sinabi ni Reyes na nasa 84 na pamilya o katumbas ng 261 na indibidwal ang isinailalim sa pre-emptive evacuation sa probinsya ng Quirino at Nueva Vizcaya dahil sa posibleng pagguho ng lupa at pagbaha lalo na kung magtutuloy-tuloy ang buhos ng ulan na dala ng bagyong Rolly.
Sa ngayon, dalawang spillway gate ng Magat dam ang kasalukuyang nakabukas sa magat dam reservoir na may opening na tatlong metro.
Kaugnay nito, patuloy ang pakikipag-ugnayan ng OCD sa mga Local Government Units (LGUs) at iba pang ahensya ng gobyerno para paghahanda at pagkilos sa posibleng dulot ng bagyong Rolly at tropical storm “siony” na nasa loob na ng Philippine Area of responsibility.