Patuloy na tumataas ang lebel ng tubig sa Cagayan river bunsod ng mga nararanasang pag-ulan na dulot ng hanging amihan na pina-iigting pa ng tail-end ng cold front sa probinsiya.
Kaugnay nito ay nasa alert level na ang antas ng tubig sa Buntun Water Gauging Station sa Tuguegarao City sa 6.4 meters, bagamat malayo pa sa critical level.
Dahil dito, sinabi ni Michael Conag ng Office of Civil Defense (OCD) RO2 na umapaw at hindi na madaanan ng mga sasakyan ang ilang kalsada at tulay sa lalawigan tulad ng Capatan overflow bridge at ilang lansangan patungong Pinacanauan Nat Tuguegarao Avenue sa Tuguegarao City.
Nanatiling hindi rin madaanan ng mga motorista ang Bagunot overflow bridge at Abusag overflow bridge sa bayan ng Baggao.
Sa lalawigan ng Isabela, hindi rin madaanan ang Sto Tomas overflow bridge mula pa noong November 26; Sta Maria-Cabagan overflow bridge; at Baculod overflow bridge sa Ilagan.
Pinag-iingat ng OCD ang mga nakatira malapit sa mga bundok, sapa at ilog, at pinayuhan na maging alerto at lumikas sa ligtas na lugar kapag patuloy ang pagtaas ng water level.