Nasabat ng mga otoridad ang 32 piraso ng tabla mula sa hinihinalang ilegal na pinutol na puno ng G. Melina sa bayan ng Alcala.
Ayon kay PMAJ George Maribbay, chief of police ng PNP- Alcala na aabot sa 209 board feet ng kahoy ang nakumpiska ng mga otoridad na may kabuuang halagang aabot sa mahigit P10,000 at nakatakdang ibenta.
Nabatid na walang kaukulang permit ang natukoy na may-ari ng kahoy na residente ng Sitio Banal, Brgy. Dalaoig.
Sa ngayon ay pansamantalang ipinasakamay sa mga Brgy officials sa naturang lugar ang mga nakumpiskang kahoy habang hindi pa naisasampa ang kasong paglabag sa Forestry Reform Code of the Philippines laban sa suspek na nananatiling at large.
Ayon kay Maribbay, mahigpit na ipinagbabawal sa batas ang ilegal na pagputol ng mga puno at pag-transport ng mga kahoy mula rito lalo na kung walang kaukulang permiso mula sa DENR.
Bahagi ng operasyon ang mas pinalakas na enforcement activity ng pulisya at CENRO-Alcala kontra illegal logging.