Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa PD705 o paglabag sa Anti-illegal Logging Law ang isang magsasaka matapos masabat kahapon ang kanyang minamanehong kolong-kolong na naglalaman ng mga iligal na kahoy sa Brgy. Lasilat, Baggao, Cagayan.
Ayon kay PCAPT Noli Cipriano, deputy chief of police ng PNP-Baggao, nadakip ang 23-anyos na suspek na residente ng Brgy Lasilat sa isinagawang follow up operation ng kapulisan kasunod ng natanggap na impormasyon kaugnay sa pagbibiyahe nito ng iligal na pinutol na kahoy.
Sa naturang operasyon, nakasalubong ng pulisya ang suspek na malapit na sa kanyang bahay at matapos walang maipakitang dokumento sa mga pinutol na kahoy ay agad siyang dinakip ng pulisya.
Aabot naman sa 120 board feet ang anim na piraso ng red lauan na nagkakahalaga ng mahigit P5K ang nakumpiska sa kolongkolong ng suspek.
Nakatakda namang sampahan ng kaukulang kaso sa prosecutors office sa pamamagitan ng inquest proceedings ang suspek.