Naharang ng pulisya sa Tuguegarao City ang isang pakete ng ilegal na droga na isinama sa isang package na ipinadala sa bus, ngayong araw.
Sa isinagawang interdiction operation ng mga otoridad sa isang bus terminal sa Barangay Pengue Ruyu, nahuli ang mag-asawang suspek matapos tanggapin ang padala sa log book na kinilalang sina Erlin Vea at Mark John Casibang, residente ng Barangay Buntun.
Nang inspekyunin ng pulisya, tatlong damit na panlalake ang laman ng paper bag, ngunit nang suriin ay nakita sa sleeve ng isang damit ang naka-tape na pakete ng shabu na nakabalot sa papel at plastic na tinatayang nagkakahalaga ng P20,000.
Nabatid na consignee ng package ang babaeng suspek na nag-aabang sa naturang padala, kasama ang kanyang asawa.
Una umanong nakatanggap ng impormasyon ang PNP kaugnay sa package mula Maynila kaya inabangan nila ito ng makarating sa Tuguegarao City.
Pinabulaanan naman ng mag-asawang suspek ang mga alegasyon laban sa kanila at itinanggi na sa kanila ang padala kahit pa nakapangalan ito kay Erlin Vea.
Sinabi ni Mark John na hindi umano brown kundi blue ang kulay ng paper bag ng kanilang inaasahang padala mula sa online buy and sell na nakabase sa Manila.
Gayunman, sinabi ng pulisya na ginagamit ng mag-asawa na ‘front’ para makapagbenta ng droga ang buy and sell na business sa pagbebenta ng mga damit.
Sa ngayon, inihahanda na ang kasong isasampa laban sa dalawa na nasa kostodiya ng pulisya.