TUGUEGARAO CITY-Nakakulong na sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang isang illegal recruiter na naaresto mula sa bayan ng Aparri.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni PCAPT Mario Maraggun, hepe ng PNP Aparri na matapos ang halos walong buwang paghahanap (June 2019) ay natunton ng pulisya ang umanoy illegal recruiter na si Irene Caraboc, 40-anyos ng Barangay Toran.

Sinabi ni Maraggun na nasundan ng mga otoridad ang akusado nang ito ay umuwi upang magbakasyon kung saan naaresto ito sa Barangay Centro 14.

Itinuturing na number 6 Most Wanted ng Aparri ang akusado at may warrant of arrest dahil sa kasong Large Scale Illegal Recruitment at walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan nito.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon pa kay Maraggun, may lumabas pa umanong warrant of arrest laban sa akusado mula sa bayan ng Sta Teresita at Camalaniugan para sa ibang kaso ng panlilinlang.

Katwiran naman ng akusado na isa siyang recruiter at marami na rin siyang napaalis papuntang abroad kung saan posibleng kinasuhan siya ng mga kliyente nitong hindi nakapag-abroad.