
Nadiskubre ng mga kasapi ng 17th Infantry Battalion (17th IB) ng Philippine Army ang isang imbakan ng baril sa Sitio Hot Spring, Barangay Asinga-Via, bayan ng Baggao, Cagayan.
Ayon sa 17th IB, ang arm cache ay naglalaman ng isang M16 Colt rifle, isang long magazine na may sampung bala, at isang jungle pack na may markang “Anakpawis.”
Nakumpiska rin ang isang laptop bag, long sleeves, jogging pants, at iba’t ibang dokumento na pinaniniwalaang pagmamay-ari ng nabuwag na terrorist group na Komiteng Probinsiya (KOMPROB) Cagayan.
Natuklasan ang mga nasabing kagamitan ng mga makakaliwang grupo sa tulong ng isang impormante.
Kaugnay nito, inihayag ng 17th IB na ang tagumpay na ito ay bunga ng patuloy na mga pulong at pakikipag-ugnayan sa mga komunidad bilang bahagi ng kampanya kontra-insurhensiya, na layong tiyakin ang kapayapaan at seguridad lalo na sa mga liblib na lugar.









