Muling nakarekober ang mga otoridad ng imbakan ng mga pagkain ng mga miyembro ng teroristang grupo sa bayan ng Rizal, Cagayan.
Sa tulong ng isang dating rebelde na si “Ka Frank” ay matagumpay na natunton ng pinagsanib na pwersa ng 17th Infantry Battalion, Philippine Army at PNP ang food cache na pagmamay-ari ng mga rebeldeng grupo sa Sitio Nagattatan, Barangay Bural.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Capt. Lloyd Orbeta, tagapagsalita ng 17th IB, na nahukay ng operatiba ang apat na plastic container na naglalaman ng 50 kilos ng bigas, at isang sako na naglalaman ng mga de lata at instant noodles.
Posible aniyang galing ang mga food supply sa ginagawang pangingikil ng rebeldeng grupo sa mga residente o mula sa kanilang nakolektang revolutionary tax.
Dahil sa mga serye ng pagkakakumpiska ng kanilang mga food supplies, sinabi ni Orbeta na mararanasan ng mga ito ang pagkagutom sa kabundukan.
Matatandaang unang nakarekober ang mga otoridad ng isang malaking imbakan ng mga pagkain ng mga teroristang NPA sa Sitio Daligan, Barangay San Juan, Rizal, Cagayan noong nakaraang Linggo.
Sa ngayon ay nasa kustodiya na ng 17IB ang narekober na container para sa kaukulang disposisyon.