Natapos na ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang kanilang imbentaryo sa mga ebidensiyang nakalap mula sa ni-raid na Philippine Offshore Gaming Operator (Pogo) hub sa Porac, Pampanga, kung saan natagpuan din ang dokumentong may pangalan ni dating Presidential spokesperson Harry Roque.

Sinabi ni PAOCC spokesperson Winston Casio na nakatakda nilang ibalik ang search warrant sa San Fernando Regional Trial Court at isusumite ang listahan ng mga ebidensyang nakita sa complex sa araw ng Martes.

Dagdag pa niya, magpupulong din ang komisyon at ang task force nito sa Martes ng hapon para pag-usapan kung anong mga kaso ang isasampa laban kay Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo dahil sa umano’y koneksyon nito sa mga ilegal na aktibidad ng Pogo sa kanyang bayan at iba pang napatunayang direktang sangkot sa operasyon ng Pogo hub sa Pampanga.

Samantala, hinggil sa dokumentong may pangalan ni Atty. Roque, sinabi ni Casio na wala silang nakitang anumang kriminal na kahina-hinala tungkol sa dokumento, maging sa affidavit of support para sa mga gastos sa paglalakbay ng dating executive assistant ni Roque.

Ang liham at ang affidavit, aniya, ay natagpuan kasama ang iba pang folder na nakaimbak sa loob ng administration building ng Pogo complex.

-- ADVERTISEMENT --

Ipinaliwanag din ni Casio na si Roque ay abogado ng Whirlwind Corporation, na nagpaupa ng lupa sa Lucky South 99, ang pinakamalaking pasilidad na ni-raid sa Pampanga. Nauna nang inihayag ng PAOCC na ang pasilidad ay may iniulat na kabuuang bilang na 46 na gusali, kabilang ang mga villa at iba pang istruktura, pati na rin ang isang golf course.

Bukod sa dokumento ni Roque, nakita rin sa loob ng pasilidad ang 6 na set ng uniporme ng People’s Liberation Army, isang “outstanding service medal” para sa isang Chinese military sergeant, military pin, at dalawang pares ng bota.

Bukod dito, natagpuan din ng mga awtoridad ang mga identification card ng isang dayuhan na may iba’t ibang pangalan.

Nag-ugat ang ikinasang search warrant sa naturang POGO hub kasunod ng ulat na natanggap ng PAOCC mula sa mga condfidential informant na nagdedetalye sa ginagawang sexually trafficking sa isang dayuhang babae sa lugar at pag- tortourenaman sa mga lalaking dayuhan.