Tiniyak ng Senate Blue Ribbon Committee na magpapatuloy pa rin ang imbestigasyon sa mga anomalya ng flood control projects kahit pa maumpisahan na ang pagsisiyasat tungkol dito ng Independent Commission na binuo ni Pangulong Bongbong Marcos.

Sinabi ni Senate President Tito Sotto III na maaaring ang Kamara ay tumigil sa kanilang imbestigasyon pero ang Senado ay hindi hihinto at magpapatuloy “in aid of legislation”.

Iginiit din ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo Lacson na magpapatuloy pa rin ang pagsisiyasat ng mataas na kapulungan at nakasisiguro na hindi sila magbabanggaan o magkakumpetisyon sa imbestigasyon at sa halip ay magtutulungan pa sila.

Binigyang-diin ni Lacson na ang imbestigasyon sa Senado ay para sa paggawa ng batas at walang intensyon na targetin ang mga senador at kongresista partikular si Senator Jinggoy Estrada.

Dagdag pa ng mambabatas, hiwalay ang trabaho ng independent commission at ito ay mag-ko-complement sa pagsisiyasat ng Senate Blue Ribbon kung saan maaaring gamitin ang mga ebidensya para maparusahan ang mga nasa likod ng ghost projects at para makalikha o mas palakasin ang batas laban sa mga tiwali.
Imbestigasyon ng Senado, magpapatuloy pa rin sa kabila ng pagkasa ng pagsisiyasat ng independent commission

-- ADVERTISEMENT --