Kasalukuyan nang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa gumuhong bahagi ng Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela na ginastusan ng mahigit P1 bilyon at katatapos lang gawin nitong Pebrero 2025.

Ayon kay DPWH Region 2 Officer-In-Charge Regional Director Mathias Malenab, kahapon ng umaga nang dumating ang mga bridge inspectors habang inaasahang may isang grupo pa ng mga experts ang darating ngayong Sabado para sa gagawing imbestigasyon at assesment.

Pagtitiyak ni Malenab na gagawin nila ang kanilang makakaya upang matukoy ang tunay na dahilan ng pagbagsak ng isang bahagi ng tulay na may span na 60 metro.

Gumuho umano ang bahagi ng tulay sa Cabagan matapos na dumaan ang isang dump truck na kargado ng mga bato na nasa 102 tonelada ang bigat.

Subalit katwiran naman ng 34-anyos na truck driver mula Tabuk City, Kalinga na pinayagan siya ng guwardiyang nagbabantay sa tulay na dumaan at may nauna pang truck na pinalusot din.

-- ADVERTISEMENT --

Dahil dito, ipapatawag ng pulisya ang guwardiya upang ipaliwanag kung bakit hindi nasunod ang patakaran na para lamang sa light vehicles ang tulay.

Nilinaw rin ng driver na wala umanong nangyaring banggaan sa apat na sasakyang nadamay at hindi rin bumangga ang dump truck sa alinmang bahagi ng tulay.

Sa katunayan ay mayroon umano itong kuhang video na bago pa man sila makarating sa bumagsak na span ng tulay ay dati na umano itong nag-collapse.

Hindi naman malinaw kung nai-turnover sa PNP ng nasabing driver ang sinasabing video footage nito.

Samantala, kasalukuyang nire-retrieve rin ng mga otoridad ang laman ng dash camera ng isa sa mga sasakyang nadamay sa aksidente sa tulay.

Sinabi ni Villanueva, na pumayag na umano ang may-ari ng nasabing SUV na ipasakamay ang memory card ng kaniyang dashcam at umaasang may makukuha pa silang footages dahil kasama ang dashcam sa mga nasira nang bumagsak ang tulay.

Ang truck, na may kargang malalaking bato, ay nagmula sa Kalinga at patungo sa isang construction project sa Northern Isabela.

Sa ngayon ay nasa maayos nang kalagayan ang anim na indibiwal na biktima sa pagguho ng tulay kung saan tatlo rito ang nagtamo ng head injury, dalawa ang nabalian ng paa, at isa ang nagkaroon ng galos sa ibat – ibang bahagi ng kanilang katawan.

Ang tatlong nagtamo ng head injury at isang biktima na nabalian ng paa ay inilipat na sa pagamutan sa Tuguegarao City habang nakauwi na sa kanilang mga tahanan ang dalawang iba pa ngunit pinayuhan pa rin ang mga ito na obserbahan ang kanilang kondisyon.

Pawang mga residente ng Cabagan at Sta. Maria, Isabela ang naturang mga biktima na hindi na pinangalanan.