
May exception ang bank secrecy law para sa mga kasong impeachment, ayon kay Jonathan Keith Flores, vice chairperson ng House Committee on Justice.
Ito ang pahayag ni Flores kaugnay sa kahilingan sa isang impeachment complaint na ma-subpoena ang bank records ni Vice President Sara Duterte at ng kanyang agarang pamilya mula 2019 hanggang 2025, dahil sa alegasyon ng unexplained wealth at umano’y hindi pagdedeklara ng ilang ari-arian sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
Ayon kay Flores, kabilang ang impeachment cases sa mga exception sa Bank Secrecy Law. Maaari rin aniyang ikonsidera ang paglahok ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) kung kinakailangan.
Gayunman, iginiit niya na dapat limitado lamang sa mga ginawa habang nanunungkulan bilang Bise Presidente ang maaaring busisiin, alinsunod na rin sa mga naging pahayag ng Korte Suprema hinggil sa mga impeachable offense.
Bago pa man talakayin ang probable cause, kailangan munang tukuyin ng komite kung sapat sa porma at substansya ang apat na nakabinbing impeachment complaints. Kapag may nakapasa sa dalawang rekisito, bibigyan ng pagkakataon ang Bise Presidente na sagutin ang mga alegasyon bago magpasya ang komite kung magsasagawa ng pagdinig.
Sinabi rin ni Flores na kung magdaraos ng pagdinig habang naka-break ang Kongreso, maaaring bilangin bilang isang araw ang bawat araw ng committee hearing para maging patas sa lahat ng panig.
Hindi naman inaasahan ni Flores na makaaapekto sa boto ng mga mambabatas ang anunsyo ni Duterte ng intensyong tumakbo sa pagkapangulo sa 2028.
Samantala, tiniyak ni House Committee on Justice member Lordan Suan na magiging masusi at patas ang deliberasyon ng komite, na target simulan sa Lunes ang paunang pagtalakay sa mga reklamong impeachment laban sa Bise Presidente.










