
Tiniyak ni Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na dadaan sa itinakdang panuntunan ng Saligang Batas at House Rules ang impeachment complaint na isinampa laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay Adiong, standard na hakbang ang pag-refer ng reklamo sa Committee on Justice upang suriin kung ito ay sapat sa form and substance.
Tiniyak niya na ang prosesong ito ay bahagi ng seryosong mekanismo ng Konstitusyon at hindi nagbibigay ng anumang paunang hatol sa resulta.
Nilinaw din ni Adiong na ang pansamantalang pagliban ni House Secretary General Cheloy Garafil, na kasalukuyang nasa opisyal na biyahe sa ibang bansa, ay hindi makakaapekto sa pag-usad ng mga usapin tungko sa impeachment sa Kamara.
Samantala, tumanggi muna ang kampo ni dating Rep. Mike Defensor na ilabas ang pangalan ng mga mambabatas na nakahandang mag-endorso sa impeachment complaint laban kay Marcos.
Nanindigan ang dating mambabatas na mayroong kongresista na handang magsulong ng reklamo sa Kamara ngunit noong malaman umano nila ang nangyari sa ikalwang impeachment complaint na inihain ng Makabayan Coalition, sinabihan umano nila ang hindi na tinukoy na kongresista na huwag na munang magpakita.
Aminado ang dating mambabatas na mahirap ang proseso ng pag-impeach sa isang pangulo, at hindi rin basta-basta lang ang pag-endorso ng mga kongresista.
Bagaman dati nang napabalitang hanggang tatlong mambabatas na mag-eendorso sa naturang complaint, hindi rin kinumpirma ni Defensor kung ilan ang mga ito.










