Wala pang mabigat na rason para magsulong ng impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. base lamang sa mga alegasyon ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, na ginawa niya sa social media na hindi naman niya sinumpaan, kaugnay sa insertions sa 2025 budget.

Sinabi ni Akbayan Rep. Perci Cendana at Kamanggagawa Rep. Eli San Fernando, habang sineseryoso nila ang mga alegasyon ni Co laban kay Marcos at sa kanyang pinsan na si dating Speaker Martin Romualdez, mahirap na isulong ang impeachment proceedings laban sa Pangulo base sa tatlong video na inilabas ni CO sa social media.

Sa video, inakusahan ni CO si Marcos at Romualdez na nakakuha ng P56 billion na kickbacks mula sa P100 billion na halaga ng insertions sa 2025 General Appropriations Act.

Sinabi ni Co na ang mga nasabing insertions ay ginawa sa bicameral conference committee level at pinangasiwaan umano nina Budget Secretary Amenah Pangandaman at Presidential Legislative Liaison Office Undersecretary Adrian Bersamin.

Sinabi ni Fernando na ang problema sa mga alegasyon ni Co ay wala itong legal weight, dahil ginawa lamang ito sa social media.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, ito ang mga dahilan kaya hinihikayat nila si Co na bumalik sa bansa, at kung seryoso siya sa kanyang mga alegasyon, kailangan niya itong panumpaan.

Gayunpaman, sinabi ni Fernando at Cendana na hindi maaaring isawalang-bahala ni Marcos ang mga nasabing alegasyon lalo na at maraming matataas na opisyal ng Malacañang at Cabinet officials ang isinasangkot.