Naglabas na ng ruling ang Korte Suprema na nagsasabing unconstitutional ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Nakasaad sa ruling na ang reklamo ay bawal sa ilalim ng one-year rule.
Sinabi ni SC spokesperson Camille Ting, dahil dito hindi maaaring kunin ng Senado ang hurisdiksion sa impeachment complaint.
Gayunpaman, nilinaw ni Ting na ang ruling ng Korte Suprema ay hindi nangangahulugan na absuwelto na si VP Sara sa mga kaso laban sa kanya.
Subalit ang susunod na impeachment complaint laban kay VP Sara ay maaari lamang ihain simula sa February 6, 2026.
Ang desisyon ng SC ay may kaugnayan sa consolidated petition na inihain ni Duterte, Atty Israelito Torreon, at iba pa na humihiling na ideklara ang Articles of Impeachment na null and void.
Matatandaang inihain ang tatlong impeachment complaints laban kay Duterte noong December 2024, lahat ay may kaugnayan sa umano’y hindi tamang paggasta sa confidential funds.
Ang pang-apat na impeachment complaint ang na-endorso ng mahigit one-third ng mga mambabatas sa Kamara, at dinala sa Senado.
Sinabi ni Ting na malinaw ang fundamental law, kung saan may tamang paraan para isagawa ang tamang bagay sa tamang panahon.
Ayon sa kanya, ito ang ibig sabihin ng pagiging patas o due process of law, maging sa impeachment.