Inihayag ni Secretary General Reginald Velasco na isusumite ng House of Representatives ngayong linggo sa Office of the Speaker ang tatlong impeachment complaint, dahil walang nang inihain na ika-apat na impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ni Velasco na nasa kanyang tanggapan pa ang nasabing impeachment complaints at ang kanilang deadline para sa pagsusumite ay ngayong linggo.
Unang sinabi ni Velasco na hindi pa nila naita-transmit ang tatlong impeachment complaints dahil sa hinihintay pa nila ang pang-apat na petisyon.
Ayon sa kanya, may grupo ng 12 majority at minotiry lawmakers ang nagpahiwatig umano ng kanilang intensiyon na maghain ng pang-apat na impeachment complaint laban kay Duterte, sa layunin na mapabilis ito sa pamamagitan ng one-third ng Kamara na lalagda sa petisyon.
Sinabi ni Velasco na bibigyan niya ng pagkakataon ang grupo na mangalap ng mga lagda bago niya isumite ang unang tatlong impeachment complaints na inihain noong December 2024 sa tanggapan ni House Speaker Martin Romualdez.
Tugon ito ni Velasco sa mga batikos sa kanya ng ilang mambabatas kabilang si ACT Teachers party-list Rep. France Castro, isa sa mga endorsers ng pangalawang impeachment complaint na mabagal ang pag-usad ng impeachment process at wala umanong pang-apat na petisyon laban kay Duterte.
Nagpahayag din ng pagkadismaya ang ilang kampo sa kakulangan ng aksion sa impeachment complaints para tanggalin sa puwesto si Duterte.
Una rito, sinabi ni dating Senator Leila de Lima na ang pag-aantala ng Kamara sa impeachment proceedings ay magbibigay ng maling signal sa mamamayan.
Si De Lima ay isa sa spokesperson sa unang batch ng complaints.