
Ipinahayag ng Malacañang na iginagalang nito ang desisyon ng House Committee on Justice na ideklarang sufficient in form ang dalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ayon kay Palace Press Officer USec. Claire Castro, bahagi ito ng legal na proseso na nararapat lamang igalang. Gayunman, nananatiling kumpiyansa ang Pangulo na hindi magiging sapat sa substansiya ang mga reklamo.
Sinabi ni Castro na tiwala si Pangulong Marcos dahil wala umano siyang nilabag na batas o nagawang impeachable offense.
Kung may ikinababahala man aniya ang Pangulo, ito ay hindi para sa kanyang sarili kundi para sa posibleng epekto ng impeachment sa ekonomiya ng bansa.
Tinawag naman ng Palasyo na walang saysay ang pahayag ng Makabayan bloc na tinuturing si Marcos bilang “biggest fish” sa umano’y organized plunder.
Binigyang-diin ni Castro na madaling magbitaw ng akusasyon sa media, ngunit ang tunay na hamon ay ang pagpapatunay ng mga paratang.









