Idineklara ng House Committee on Justice na “sufficient in substance” ang mga reklamong impeachment laban kay Sara Duterte.

Sa botohan nitong Miyerkules, kapwa nakakuha ng 54 na boto pabor, isang tutol, at walang abstention ang mga reklamong inihain nina Fr. Bong Saballa at abogado Nathaniel Cabrera.

Dahil dito, inatasan ang Bise Presidente na magsumite ng kanyang sagot sa loob ng 10 araw mula sa pagtanggap ng abiso.

Nakasaad sa mga reklamo ang umano’y pagtataksil sa tiwala ng publiko at culpable violation of the Constitution kaugnay ng sinasabing maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, kabilang ang alegasyong ginamit ito bilang suhol at ang pagbabanta umano laban kay Ferdinand Marcos Jr. at sa kanyang pamilya.

Bago ang botohan, nilinaw ni House justice panel chair Gerville Luistro na ang pagdeklara ng “sufficient in substance” ay hindi nangangahulugang may hatol na o napatunayang nagkasala ang Bise Presidente.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon naman kay House Senior Deputy Speaker Ferdinand Hernandez, ang naging desisyon ay hakbang lamang upang umusad ang proseso ng Konstitusyon at hindi isang paghusga sa merito ng kaso.

Sa ngayon, dalawang reklamo na lamang ang nakabinbin matapos bawiin ng grupong Tindig Pilipinas ang kanilang inihain upang suportahan ang isa pang reklamo na may kaparehong alegasyon.

Samantala, isinantabi ng komite ang naunang reklamong inihain nina dating ACT Teachers party-list Rep. France Castro at iba pa dahil sa paglabag umano sa one-year bar rule.

Matatandaang noong Pebrero 2025 ay inaprubahan ng Kamara ang impeachment laban sa Bise Presidente, ngunit kalaunan ay idineklarang labag sa Konstitusyon ng Korte Suprema dahil sa paglabag sa one-year bar rule sa pagsisimula at pag-archive ng mga naunang reklamo.