Nilinaw ng Malacañang na hindi dapat iugnay o iasa ang anumang desisyon hinggil sa posibleng impeachment kay Vice President Sara Duterte sa magiging resulta ng imbestigasyon sa umano’y mga anomalya sa flood control projects.

Ito ay kasunod ng pahayag ni Navotas Representative Toby Tiangco na hindi siya pipirma sa anumang impeachment complaint laban sa bise presidente hangga’t walang naaaresto na tinaguriang “big fish” sa isyu ng flood control.

Ayon sa Palasyo, magkahiwalay na usapin ang impeachment at ang imbestigasyon sa flood control, at hindi dapat paghaluin ang dalawang proseso.

Ipinunto rin ng Palasyo na walang kapangyarihan ang Pangulo na manghimasok o magbigay ng pahintulot sa mga hakbang ng House of Representatives kaugnay ng impeachment.

Anila, tungkulin ng mga mambabatas na magpasya batay sa ebidensya, konsensya, at interes ng taumbayan, hindi sa impluwensiya ng ehekutibo.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy umanong sinusuportahan ng administrasyon ang masusing imbestigasyon sa flood control projects upang mapanagot ang sinumang sangkot, habang ang usapin ng impeachment ay nananatiling nasa kamay ng Kongreso.