Inaprubahan ng House Committee on Justice ang pagkakaroon ng probable cause sa impeachment ni Vice President Sara Duterte matapos ang apat na araw na pagdinig.

Ayon kay House Justice Committee Chairperson at Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro, nagkaisang bumoto ang 53 miyembro ng komite at walang tumutol sa desisyon.

Batay sa mga pagdinig, kabilang sa mga isyung tinalakay ang umano’y maling paggamit ng mahigit P600 milyong confidential funds, mga kuwestiyonableng resibo at pangalan ng mga tumanggap ng pondo, at ulat ng Anti-Money Laundering Council tungkol sa bilyong pisong kahina-hinalang transaksyon ng Bise Presidente at ng kanyang asawa.

Ibinunyag din ng National Bureau of Investigation na ang video kung saan nagbanta umano ang Bise Presidente laban kay Ferdinand Marcos Jr. ay maaaring pumasok sa kasong inciting to sedition at grave threats.

Para kay House Senior Deputy Minority Leader at ML Party-list Rep. Leila de Lima, sapat at higit pa ang ebidensiya para ituloy ang impeachment.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, sinabi ng kampo ni Duterte sa pamamagitan ni Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng defense team, na inaasahan na nila ang naging desisyon at iginiit na lumampas umano sa tamang proseso ang komite.

Pinagsasama na ngayon ng komite ang mga reklamo sa iisang Articles of Impeachment na posibleng isumite sa Senado para sa paglilitis. Nakatakda ang susunod na pagdinig sa Mayo 4.