Wala pa umanong napag-uusapan sa Kamara na paghahain ng impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte sa gitna ng tumitindi na bangayan kay House Speaker Martin Romualdez at Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Quezon 2nd District Representative David “Jay-jay” Suarez, na nag-aabang sila sa mga posibleng mangyayari sa Kamara.
Maging si Antipolo Rep. Romeo Acop ay sinabi na hindi pa nababanggit ang impeachement case laban kay Duterte.
Tumanggi namang magbigay ng pahayag si Romualdez sa plano na impeachment laban kay Duterte sa sidelines ng bicameral conference committee meeting sa 2025 national budget.
Una rito, sinabi ni Manila Representative Joel Chua na wala pang pag-uusap tungkol sa impeachment kahit pagkatapos ng banta ni Duterte na ipapapatay niya si Marcos.
Iginiit din ni Chua na walang utos mula sa liderato ng Kamara tungkol sa pagpapatalsik sa bise presidente.