
Iginiit ni Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro, chair ng House Committee on Justice, na hindi minadali o nilaktawan ng Kamara ang proseso ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Luistro, mahigpit na sinunod ng komite ang Saligang Batas at tiniyak na ang bawat hakbang—mula sa pagdinig hanggang sa pagsusuri ng reklamo—ay dumaan sa tamang proseso.
Noong nakaraang Miyerkules, natukoy ng komite ang “probable cause” upang isulong ang impeachment. Sa kasalukuyan, tinatapos na ng panel ang committee report na naglalaman ng mga artikulo ng impeachment na isusumite sa plenaryo ng Kamara.
Ipinaliwanag niya na tungkulin ng komite na aprubahan ang mga dokumento at iharap ang mga ito sa buong House of Representatives para sa karagdagang aksyon. Kabilang dito ang pagkuha ng kinakailangang boto ng one-third ng mga miyembro bago ito maipasa sa Senado para sa paglilitis.
Dagdag pa ni Luistro, kung mapatunayang guilty ang Bise Presidente, hayaang manaig ang katotohanan; ngunit kung siya ay inosente, hayaang ang proseso ang maglinis sa kanyang pangalan.









