Posibleng magsimula ang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte dalawang linggo matapos matanggap ng Senado ang articles of impeachment mula sa Mababang Kapulungan, ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III.

Ayon kay Sotto, kung maipapasa ang articles sa unang linggo ng Mayo, maaaring agad na mag-convene ang Senado bilang impeachment court kasunod ng pagtanggap nito, at magsisimula ang paghahanda para sa paglilitis na inaasahang tatagal ng humigit-kumulang dalawang linggo.

Binigyang-diin din niya na aaksyunan ng Senado ang anumang impeachment complaint “forthwith” o agad-agad, alinsunod sa itinatadhana ng 1987 Constitution.

Tiniyak ni Sotto na magiging patas ang Senado sa buong proseso. Hinimok din niya ang mga senador na maaaring magsilbing senator-judges na manatiling walang kinikilingan, sa kabila ng kani-kanilang political affiliations.

Pinabulaanan din niya ang mga alegasyong may nakaayos nang boto laban kay Duterte, at iginiit na hindi makatarungan ang pagpapakalat ng ganitong paratang dahil nakasisira ito sa integridad ng institusyon.

-- ADVERTISEMENT --