Tiniyak ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon na patas ang magiging paghawak ng House Committee on Justice sa impeachment proceedings laban kay Bise Presidente Sara Duterte.

Ayon kay Ridon, mabibigyan ng pagkakataon ang Bise Presidente na sagutin ang mga reklamo, kung mapatutunayang sapat ang anyo at nilalaman ng mga ito. Nasa desisyon ng Bise Presidente kung dadalo siya sa mga pagdinig.

Magsisimula ang tatlong araw na preliminary deliberation sa apat na impeachment complaints laban kay VP Sara sa Lunes, Marso 2. Titimbangin ng komite kung sapat ang anyo at nilalaman ng mga reklamo.

Tiniyak ni Ridon na ipatutupad ng komite ang lahat ng kaukulang patakaran sa impeachment, tulad ng ginawa noong kaso kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Susuriin nila ang lahat ng alegasyon, kabilang ang betrayal of public trust, culpable violation of the Constitution, graft at corruption, maling paggamit ng confidential funds, death threats kay Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez, pati na ang mga isyu sa SALN at ang affidavit ni Ramil Madriaga, na nagpakilalang bagman ng Bise Presidente.

-- ADVERTISEMENT --

Maaari rin aniyang ipatawag si Madriaga sa pormal na pagdinig.

Makikipag-ugnayan ang Mababang Kapulungan sa BJMP at korte para matiyak ang kanyang kaligtasan at makadalo sa proceedings.

Nilinaw ni Ridon na magpapatuloy ang impeachment proceedings kahit naka-session break ang Kongreso simula Marso 18, dahil hiwalay ito sa legislative calendar.

Inaasahang magsisimula na ang buong congressional proceedings ng Justice Committee pagkatapos ng Holy Week.