Muling nagpaalala ang City Environmental and Natural Resources Office (CENRO) ng Tuguegarao City sa pagsisimula ngayong araw, July 1 ng “No Segregation, No Collection” Policy sa pangongolekta ng basura.

Sa panayam ng Bombo Radyo, binalaan ni Atty Noel Mora, head ng CENRO-Tuguegarao na mananagot ang mga barangay officials na unang nabigyan ng direktiba hinggil sa pagsunod ng mga residente sa tamang paghihiwalay sa mga basura.

Kasabay nito, nanawagan si Mora sa mga residente at mga establisyimento sa lungsod na makiisa sa mahigpit na pagpapatupad ng waste segragation.

Batay sa inilabas na Executive Order No.4 ni Tuguegarao City Mayor Jefferson Soriano, magkakaroon ng scheduale sa pangongolekta ng nabubulok at hindi nabubulok na basura sa bawat barangay sa lungsod.

Sinabi ni Mora na ang naturang polisiya ay mahigpit na ipatutupad upang matugunan at maisaayos ang solid waste management disposal sa lungsod bilang pagtalima sa RA 9003 o Solid Waste Management Act.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, all set na rin ngayong araw ang istriktong implementasyon ng “No Helmet No Travel Policy” o pagbabawal sa mga driver ng motorsiklo at angkas nito na walang helmet sa Tuguegarao City.

Una nang inihayag ni Lt. Col. George Cablarda, hepe ng PNP-Tuguegarao na kailangang ipatupad ang batas sa buong bisinidad ng lungsod bilang proteksyon sa pagmamaneho dahil sa tumataas na bilang ng mga aksidente na kinasasangkutan ng motorsiklo.

Binalaan din ni Cablarda ang mga miyembro ng pulisya at Traffic Management Group (TMG) na siyang magpapatupad sa batas, na magsilbing modelo sa paggamit ng helmet sa pagmomotorsiklo.

—with reports from Bombo Marvin Cangcang & Bombo Romel Campos