Muling magpupulong ngayong araw,agosto 9, 2019 ang Regional Development Council at Regional Peace and Order Council (RDC-RPOC) sa Cagayan Valley at Cordillera upang pag-usapan ang mga programa at serbisyo ng mga ahensya ng gobyerno upang wakasan ang insurhensiya.
Kaugnay ito sa inilunsad na Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) sa dalawang rehiyon na may layuning wakasan ang problema ng insurhensiya sa pamamagitan ng “convergence approach” ng mga ahensya ng gobyerno alinsunod sa Executive Order 70 na pinirmahan ni Presidente Rodrigo Duterte.
Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Maj. Gen. Pablo Lorenzo, commanding officer ng 5th Infantry Division, Philippine Army na ang istruktura ng RTF-ELCAC ay naaayon din sa istruktura ng EO 70 o National Task Force (NTF) – ELCAC na ibababa hanggang sa mga barangay.
Si Labor Sec. Sylvestre Bello ang Cabinet Officer for Regional Development and Security (CORDS) ng Rehiyon Dos habang si Atty. Janet Abuen ng Department of Budget and Management sa Cordillera.
Sinabi ni Lorenzo na pag-uusapan sa pulong ang mga ginawang implementing plans ng binuong 12 cluster na kinabibilangan ng mga ahensya ng gubyerno na ibababa naman sa provincial level o sa Provincial Task Forces.
Tatalakayin din sa pagpupulong ang mga updates at pangangailangan ng mga residente mula sa mga probinsya na bumubuo ng Region 2 at Cordillera lalo na may presensiya ng makakaliwang grupo.