Tinanggal na ng Department of Agriculture (DA) ang importation ban sa wild at domestic birds, at iba pang poultry products mula California at South Dakota sa Estados Unidos.

Ayon sa memorandum order no. 37 na pirmado ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., pinapayagan na ng DA ang pag-aangkat ng domestic at wild birds, at mga produkto kabilang ang poultry meat, day-old chicks, mga itlog at semen mula sa dalawang U.S. states.

Sa naturang memorandum, sinabi ng DA na inalis na ang ban matapos wala nang maitalang outbreak sa California matapos ang Hunyo 14, 2024, habang wala na ring iniulat na outbreaks sa South Dakota matapos ang Mayo 29, 2024.

Noong Enero, matatandaan na nagpataw ang kagawaran ng importation ban sa domestic at wild birds, at poultry products mula California dahil sa mga outbreak ng avian influenza.

Samantala, inisyu ang ban sa mga kaparehong produkto para sa South Dakota noong Nobyembre 2023 dahil sa mga kaso ng bird flu.

-- ADVERTISEMENT --

Sa naturang memorandum, sinasabi na ang importation ban sa poultry products ay maaaring ipataw sa oras na tatlo o higit pang counties ang maapektuhan ng influenza.