Nahuli sa isang entrapment operation sa Marilao, Bulacan ang isang ina matapos tangkaing ibenta ang kanyang apat na buwang gulang na sanggol kapalit ng salapi.

Ayon sa Philippine National Police–Women and Children Protection Center (PNP-WCPC), matagal nang iniaalok ng suspek ang kanyang anak para sa illegal adoption sa halagang P25,000.

Una umano itong inalok sa halagang P20,000 bago pa tumaas ang presyo sa mga sumunod na usapan.

Matapos ang isinagawang operasyon, agad na naaresto ng mga operatiba ng WCPC ang babae at nailigtas ang sanggol.

Dinala ang mag-ina sa tanggapan ng WCPC sa Camp Crame, Quezon City para sa wastong dokumentasyon at kustodiya.

-- ADVERTISEMENT --

Nahaharap ngayon ang ina sa paglabag sa Republic Act 9208 o Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012 at Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.