
Patay ang isang 35-anyos na ina at dalawa niyang anak na edad anim at dalawa matapos silang makulong sa nasunog nilang bahay sa Barangay Gumalang, Davao City.
Ayon sa mga awtoridad, mabilis na kumalat ang apoy dahil gawa sa light materials at mabilis na masunog na mga bagay ang bahay ng mag-iina.
Sinabi ng fire investigators na substandard electrical wiring ang posibleng dahilan ng sunog.
Wala namang nakitang foul play ang mga awtoridad, at kinumpirma na ito ay isang accidental na trahedya.
Kinilala ng Davao City Fire District ang mga biktima na si Daphne Laurden, ang kanyang anim na taong gulang na anak na si Cara Elloises, at dalawang taong gulang na anak na lalaki na si Zee.
Mabilis naman na rumesponde ang mga bombero, subalit pagdating nila sa lugar ay malaki na ang apoy.
Dahil dito, hindi nakalabas ng bahay ang mga biktima, lalo na at nangyari ang insidente ng pasado alas dos ng madaling araw na kasarapan ng kanilang tulog.










