Patay ang ina at kanyang tatlong anak matapos masunog ang kanilang bahay sa Sta. Maria, Bulacan.

Nakilala ang kalunos-lunos na biktimang ina na si alyas Joy, 31, kanyang tatlong anak na edad isang taong gulang na lalaki, tatlong taong gulang na babae at anim taong gulang na lalaki, pawang mga residente ng Brgy.San Vicente.

Batay sa imbestigasyon, natuklasan ang insidente nang may sumigaw ng sunog hanggang sa maglabasan ang mga magkakapit-bahay na nagtulong-tulong para patayin ang apoy na tuluyang naapula ng mga bomberong dumating.

Nadala pa ang ina at kanyang tatlo at anim na taong gulang sa ospital para sa paunang lunas subalit binawian din ng buhay kalaunan.

Ayon sa mga awtoridad, may nakitang dalawang bote ng paint thinner at posporo sa loob ng bahay ng mga biktima.

-- ADVERTISEMENT --

Lumalabas sa imbestigasyon na unang nasunog ang bunso hanggang sa masunog ang higaan at ang bahay na kanilang ikinasawi kalaunan.

Sinasabing bago mangyari ang sunog nagkaroon ng away ang mag-asawa, kung saan ipina-blotter ng ina sa kanilang barangay ang kanyang mister na nasa kanyang trabaho sa Batangas at may nakatakdang paghaharap subalit hindi na nangyari dahil sa insidente.

Iniimbestigahan na ang tunay na dahilan ng nasabing sunog.