Matagumpay na naharang ng Bureau of Immigration (BI) sa NAIA Terminal 1 ang isang ina na umano’y ibinenta ang sariling anak bilang mail-order bride sa isang Chinese national.
Ayon sa BI, papunta na sana sa China ang mag-inang sina alias Annie, 42, at alias Mia noong Mayo 13, nang mapigilan sila ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES).
Sa imbestigasyon, lumabas na peke ang marriage certificate na kanilang inilahad. Inamin ni Mia na hindi niya alam ang tungkol sa kasal at ang kanyang ina ang nag-asikaso ng lahat kapalit ng ₱5,000.
Kinilala raw niya ang lalaki noong Marso 11 at pinangakuan ng tulong pinansyal. Sa ngayon, nasa pangangalaga na ng IACAT ang mag-ina para sa karampatang imbestigasyon at tulong.
Giit ni BI Commissioner Joel Anthony Viado, patuloy ang kanilang kampanya kontra human trafficking, lalo na para protektahan ang kababaihang Pilipino.
Mahigpit ding nakikipag-ugnayan ang ahensya sa IACAT para matiyak ang hustisya sa mga biktima.