Tuguegarao City- Nakalabas na sa pagamutan ang isa sa 6 na pasyenteng tuluyan nang gumaling sa coronavirus disease o covid-19.

Ito ay si PH 893 na mula sa lungsod ng Tuguegarao na ina ni PH275 na gumaling na rin sa naturang sakit batay sa kanyang re-test.

Kaugnay nito, anumang oras mula ngayon ay maaari na rin umanong makalabas sa pagamutan si PH 275.

Ayon kay Dr. Glenn Mathew Baggao, Medical Chief ng CVMC, bagamat negatibo na sa COVID-19 ang 6 na pasyente ay hindi pa pinalabas ang lima dahil patuloy na inoobserbahan.

-- ADVERTISEMENT --

Aniya, ilan kasi sa kanila ay may inoobserbahang sakit sa puso, diabetes at hypertension na kailangan pang imonitor ng mga medical personnel.

Giit pa nito na sa oras na tuluyan nang ma-discharge ang mga pasyente ay kinakailangan muling sumailalim sa 21 days na strict home quarantine.

Kabilang pa sa mga nagnegatibo na sa ikalawang COVID-19 swab test ay sina PH 661 ng Tuao, PH 837 at PH 840 na mula sa lalawigan ng isabela at PH 1261 ng Nueva Vizcaya.