
Hinatulan ng pagkakakulong ng isang Quezon City Regional Trial Court Branch 94 ang isang ina matapos mapatunayang nagkasala sa pagbebenta ng sariling anak online, ayon sa Department of Justice (DOJ) nitong Huwebes.
Ayon sa DOJ, napatunayang guilty beyond reasonable doubt ang akusado sa paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination. Inamin din ng ina ang kanyang kasalanan sa kaso.
Ipinataw ng korte ang parusang pagkakakulong mula apat na taon, siyam na buwan at 11 araw hanggang anim na taon, walong buwan at isang araw.
Binigyang-diin ng DOJ na ipinapakita ng kaso ang kanilang matibay na paninindigan sa pangangalaga sa karapatan ng mga bata at laban sa anumang uri ng pang-aabuso at pagsasamantala. Dagdag pa nito, patuloy nilang pananagutin ang mga lumalabag sa batas upang makamit ang hustisya.










