
Nanawagan kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga church leader, business executives, at mga dating opisyal ng pamahalaan na bumuo ng Independent People’s Commission na magsasagawa ng imbestigasyon sa malawakang korapsiyon sa gobyerno.
Naglabas sila ng joint declaration sa ilalim ng Roundtable for Inclusive Development at inihayag ang nagkakaisang paninindigan upang labanan ang walang pakundangan na pandarambong ng mga elected at appointed officials ng gobyerno.
Nagbabala ang grupo na may mga political factions na ang nagsasamantala sa mga nangyayari sa kasalukuyan.
Pinapurihan nila ang ginagawang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) subalit limitado umano ang kapangyarihan nito para usigin ang mga sangkot sa katiwalian.
Nanawagan sila sa Kongreso na itatagang isang “truly independent and credible Independent People’s Commission” na may kakayahang magsagawa ng patas na imbestigasyon at hindi maimpluwensyahan. Hiniling nila kay Pangulong Marcos na sertipikahan ito upang mabilis na maaprubahan.
Panawagan din nila kay dating Ako Bicol Rep. Elizaldy Co na umuwi sa bansa at panumpaan ang kanyang mga ibinunyag upang gumulong ang legal na proseso.









