Nagsagawa ng indignation rally ang grupong Sentrong Alyansa ng Mamamayan para sa Bayan (SAMBAYANAN) para kondenahin ang rebeldeng New People’s Army sa bayan ng Sto. Niño, Cagayan.
Kasabay ito ng paggunita ng rebeldeng grupo sa kanilang ika-52 anibersaryo, bukas March 29.
Ayon kay Brgy. Chairman Mauricio Aguinaldo ng Balanni, Sto Niño at dating miyembro ng sangay partido sa lokalidad na sa halos limang dekada na ginawang pugad ng NPA ang kanilang lugar ay wala itong naidulot kundi paghihirap lamang sa kanilang Brgy at sa mga residente.
Aniya, ang isinagawang indignation rally ay upang maiparating sa dating kinaaanibang kilusan na hindi na sila katanggap-tanggap pa sa kanilang barangay.
Tahasang inamin ng kapitan na nalinlang siya at iba pang dating miyembro ng makakaliwang grupo, kung kaya malaking pasasalamat nito sa community support program sa pangunguna ng 17th Infantry Batallion dahil namulat sila sa tunay na anyo ng makakaliwang grupo.
Dagdag pa ni Aguinaldo na simula nang itakwil nila ang NPA sa kanilang lugar ay tuloy-tuloy na ang pagpasok ng mga proyekto ng pamahalaan sa kanilang lugar tulad na lamang ng pagkongreto sa mga lansangan, tulay at pagsasaayos ng water system.
Kung maaalala, isa ang Brgy Balanni sa 8 na mga barangay na dating New People’s Army infested areas sa Cagayan na nakatanggap ng P20 milyon mula sa Barangay Development Program na gagamitin para sa mga development projects.
Samantala, nagsagawa rin ng kahalintulad na aktibidad ang PNP 204th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 2 at 77IB,phil Army sa Barangay Asinga-Via sa bayan ng Baggao at Brgy. Baliuag sa bayan Peñablanca.
Bitbit ng mga residente ang mga placard kung saan nakasulat ang kanilang pagtalikod at pagwaksi makakaliwang grupo.
Sinuportahan din ng mga grupo ng mga kabataan ang nasabing aktibidad na pagpapakita na hindi sila magpapalinlang sa mga teroristang NPA.