Nangako ang Philippine Coast Guard (PCG), Directorate General of Sea Transportation (DGST) ng Republic of Indonesia at Japan Coast Guard (JCG) sa pagprotekta sa mga karagatan.
Ito ay kasabay ng isinasagawang Regional Marine Pollution Exercise (MARPOLEX) 2024 sa Visayas.
Ang tatlong coast guard ay nagsasagawa ng ibat ibang mga simulation na kinabibilangan ng pag-responde sa mga sunog, search and rescue (SAR) operations, at oil spill response.
Bilang commitment, sinabi ng mga head ng tatlong coast guard na pangungunahan ng mga ito ang pagpapairal ng batas sa mga karagatan at pagrespeto rito, pagprotekta sa mga karagatan mula sa mga polusyon, at episyenteng pagtugon sa mga oil spill incident.
Ayon kay PCG Commandant, CG Admiral Ronnie Gil Gavan, napapanahon din ang isinasagawang simulation ngayon at lalo pang tumataas ang maritime traffic sa mga karagatan habang mas madalas nang nangyayari ang mga oil spill.
Samantala, nagsisilbing observer ang iba pang mga bansa na nagpadala ng kani-kanilang contingent sa nagpapatuloy na simulation.