Bumagal ang headline inflation rate o ang pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo sa Cagayan Valley na nagtala lamang ng 5.7% nitong Hunyo, 2026 na mas mababa kumpara sa 6% noong Mayo, 2026.

Ayon kay Ernesto De Peralta Jr. ng Philippine Statistics Authority (PSA) Region 2, ang pangunahing dahilan ng pagbagal na ito ay ang mas mabagal na pagtaas ng presyo ng transportasyon na may ambag na 84.9% sa kabuuang pagbaba ng inflation.

Partikular na bumagal ang pagtaas ng presyo ng gasolina at diesel nitong nakaraang buwan.

Kasunod nito, ang food and non-alcoholic beverages ay nag-ambag ng 11% sa pagbaba ng inflation dahil sa mas mabilis na pagbaba ng presyo ng kape, cocoa drinks, vitamins at soft drinks.

Sa kabila ng pagbagal, ang pinakamalaking ambag sa pangkalahatang inflation ay mula pa rin sa food and non-alcoholic beverages, partikular na sa bigas, gulay, at isda.

-- ADVERTISEMENT --

Sumunod ang transportasyon at ang housing, water, electricity, gas, at other fuels kung saan ang LPG, renta sa bahay, at kuryente ang mga pangunahing salik.