Posibleng umabot o lumampas sa 8 porsyento ang inflation rate sa Pilipinas noong Mayo, ayon sa tatlong global banks, na nagbabala na maaaring magtulak ito sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) na magpatupad pa ng panibagong pagtaas ng interest rates.

Ayon sa MUFG Global Markets Research, tinatayang nasa 8 porsyento ang pagtaas ng presyo ng bilihin mula sa 7.2 porsyento noong Abril, bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng enerhiya at epekto ng tensyon sa Middle East.

Giit ng MUFG, maaaring maging basehan ang inflation report na ilalabas sa Hunyo 5 kung magpapatupad ng mas malaking taas-singil sa interes ang BSP bago o sa mismong policy meeting nito sa Hunyo 18.

Tinatayang tataas pa ang policy rate ng BSP ng kabuuang 0.75 percentage point ngayong taon, na maaaring umabot sa 5.25 porsyento, kabilang ang posibleng 0.5-point hike sa Hunyo.

Samantala, ayon sa Deutsche Bank, maaaring umabot sa 8.1 porsyento ang inflation noong Mayo dahil sa pagtaas ng singil sa kuryente, na bumawi sa pagbaba ng presyo ng gasolina. Dagdag pa rito ang patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain.

-- ADVERTISEMENT --

Sa hiwalay na pagtataya ng DBS Group Research, posibleng pumalo pa sa 8.3 porsyento ang inflation, at inaasahan din ang karagdagang paghigpit ng monetary policy ng BSP.

Batay naman sa survey ng 12 ekonomista, nasa 7.7 porsyento ang median estimate ng inflation noong Mayo, na nananatiling lampas sa target range ng BSP na 2 hanggang 4 porsyento.

Nauna nang itinaas ng BSP ang policy rate nito sa 4.5 porsyento noong Abril bilang tugon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin, at patuloy na mino-monitor ang inflation outlook sa bansa.