Nanatiling kontrolado ang headline inflation sa kabila ng bahagyang pagtaas nito sa 1.4 porsyento noong Hunyo mula sa 1.3 porsyento noong Mayo.

Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), pasok pa rin ito sa inaasahang inflation range.

Sa kabuuang unang kalahati ng 2025, naitala ang average inflation sa 1.8 porsyento—mas mababa sa target na 2 hanggang 4 porsyento ng pamahalaan.

Ang pagbaba sa food inflation ay bunga ng mas murang presyo ng gulay at bigas, dulot ng mas maayos na produksyon at mga interbensyon ng gobyerno.

Samantala, bahagyang tumaas ang non-food inflation dahil sa mas mataas na bayarin sa pabahay, tubig, kuryente, gas, at iba pang fuel.

-- ADVERTISEMENT --

Nananatiling matatag ang buwanang inflation sa 0.2 porsyento, gayundin ang core inflation sa 2.2 porsyento sa ikaapat na sunod na buwan.

Inaasahan ng BSP na lalo pang bababa ang inflation ngayong taon bago muling bumalik sa target range, habang patuloy itong nagsusulong ng price stability para sa matatag na paglago ng ekonomiya.