Sumampa na sa mahigit P114M ang initial na pinsalang iniwan ng Bagyong Maring sa sektor ng agrikultura sa buong rehiyon dos.
Sa nasabing halaga, mahigit P26M ang pinsala sa mais, mahigit P68M sa palay, mahigit P21M sa high value crops at mahigit P860k naman sa livestock.
Ayon kay Narciso Edillo, director ng Department of Agriculture (DA) Region 2, pawang nasa maturity at reproductive stage na ang mga nasirang pananim sa mula sa Cagayan, Isabela, Quirino at Nueva Vizcaya.
Batay sa datos ng ahensya, sa Cagayan ay umabot sa 3904 hectares ang partially damaged at 100 hectares totally damaged sa maisan habang sa palayan ay may 7863 hectares na partially at 623 hectares na totally damaged.
Naiulat din ang partially damaged sa palayan sa probinsya ng Isabela na umabot sa 3486 hectares, sa Nueva Vizcaya ay may 65 hectares at sa Quirino ay 10 hectares.
Saad niya ang mga alagang hayop na namatay at naanod ay kinabibilangan ng mga kambing, baka, kalabaw, tupa, manok at pato ay mula sa Cagayan kasama na ang mga nasirang high value crops kung saan 111 hectares ang partially damaged habang 35 hectares ang totally.
Sa kabuuan ay umabot sa 26,771 na mga magsasaka sa buong rehiyon ang apektado sa pananalasa ng Bagyong Maring at inaasahan pang madaragdagan ito dahil sa nagpapatuloy na assessment ng ahensya.