TUGUEGARAO CITY-Natanggap na ng mga atletang nag-uwi ng medalya sa naganap na Cagayan Valley Regional Athletic Association (CAVRAA)meet 2019 ang insentibo mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan.

Mahigit P3.8 milyon ang kabuuang halaga ng ibinigay na insentibo kung saan P1,136,000 ang naibigay sa 238 na mga atleta sa elementarya at P1,707,000 naman sa 373 atletang secondarya ng Cagayan habang P437,000 sa elementarya at P575,000 sa sekondarya para sa mga atleta ng Division ng Tuguegarao.

Nakakuha ng tig-sampung libong piso ang mga manlalaro ng Cagayan na nakapag-uwi ng gintong medalya sa individual event , P7,000 sa silver at P5,000 sa Bronze habang sa team event naman ay nabigyan ng P5,000 ang Gold medalist, P3,000 sa Silver at P2,000 sa Bronze.

Sa mga atleta naman ng Tuguegarao City ay nakakuha ng P5,000 ang mga gold medalist ng individual event, P3,000 silver at P2,000 sa bronze habang sa team event ay nakatanggap ng P3,000 ang Gold medalist, P2,000 sa Silver at P1,000 sa Bronze.

Bukod sa mga atleta ay nakatanggap rin ng tig-P3,000 ang mga trainors ng mga atleta ng Cagayan habang tig-P2,000 naman sa mga trainors ng Tuguegarao City.

-- ADVERTISEMENT --

Ang mga nasabing halaga ay mula sa mga Special Education Fund (SEF) ng Pamahalaang Panlalawigan.

Kaugnay nito, labis ang pasasalamat ng mga atleta maging ang mga trainors sa mga natanggap na insentibo.

Samantala, tiniyak naman ni Cagayan Governor Manuel Mamba na siyang nanguna sa pamamahagi ng insentibo na patuloy ang suporta ng pamahalaang panlalawigan sa mga atleta.

Ayon kay Mamba ,plano umano ng pamahalaang panlalawigan na gumawa ng covered court sa mga pampublikong eskwelahan sa probinsiya at magpatayo ng technology transfer center kung saan maglalagay ang mga ito ng sports facilities na gagamitin ng mga manlalaro para hindi na lamang sa sports complex dito sa lungsod mag-eensayo ang mga manlalaro.

Napag-alaman din na ngayong araw ,Abril 16,2019 nakatakdang bibyahe ang 184 na mga delegado ng Cagayan patungo sa Davao City para sa Palarong Pambansa 2019.