

Tuguegarao City- Nagpaalala ang Department of Trade and Industry (DTI) sa lahat ng mga dealers at sellers ng mga sasakyan at anumang produkto na bawal na ang pag -iimpose ng “installment only policy”.
Sa panayam kay Angie Gumaru, Trade and Industry Development Analyst, naglabas ang kagawaran ng Department Administrative Order 21-03 matapos ang reklamo sa pagpapatupad ng ilang kumpanya kaugnay sa nasabing polisiya.
Nakapaloob aniya sa batas na ito ay paglabag sa karapatan ng mga consumers na pumili hindi lamang sa produktong bibilhin kundi maging sa paraan ng pagbabayad.
Punto niya, kailangang bigyan ng mga dealers at sellers ng kalayaang makapamili ng mga customers sa paraan ng pagbabayad batay sa isinasaad ng kanilang kontrata.
Maaaring ito aniya ay sa pamamagitan ng cash, installment o kombinasyon ng dalawang paraan ng pagbabayad.
Sinabi pa niya na dapat ding ikonsidera ng magkabilang panig ang pagkakaroon ng ceiling o market oriented interst rate at hindi dapat na maningil ang dealer ng advance interest rates ng lagpas na sa isang taong sakop nito.
Binigyang diin nito ang kahalagahan ng pagkakaroon ng kontrata at sakaling nagkasundo na ay dapat ding sumunod ng customer sa kanilang napag-usapan.
Ang nasabing panuntunan ay ipinaiiral na ng DTI mula pa nitong buwan ng Abril ngayong taon kung saan nakasaad dito na maaaring patawan ng kaukulang parusa at multang aabot ng hanggang P500 at hindi lalagpas ng P10,000 at pagkakakulong ng hindi bababa sa limang buwan at hindi lalagpas ng isang taon.
Sa ngayon ay naipaabot na aniya ang nasabing panuntunan sa lahat ng mga establishimento sa rehiyon kasabay ng pagkakaroon ng information campaign.




