Nagbabala ang PHIVOLCS sa mga residente ng Cagayan at maging sa karatig na lalawigan sa posibleng malalakas na lindol.

Kinumpirma ni Dr. Renato Solidum, director ng PHIVOLCS na ito ay dahil sa may fault line na tumatahak sa lalawigan at maging sa karatig na mga probinsiya.

Sinabi ni Solidum na ito ay ang Dummon, Sicalao at Taboan River fault system na nasa northern at eastern part ng Tuguegarao City.

Ayon kay Solidum na kailangan na paghandaan ito dahil posibleng makaranas ng 6 hanggang 8 na intensity na lindol kung gagalaw ang mga fault lines sa Cagayan.

Bukod dito, sinabi niya na may faults din sa Isabela, Kalinga, Apayao at Mt.Province at Abra.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Solidum, bukod sa mga faults, mayroon ding East Luzon trough na nagiging trench na nagdudulot ng lindol at posibleng magdulot ng tsunami.

Ipinaliwanag din ni Solidum na may dalawang klase ng pagyanig kung saan ang isa ay ang pagkilos ng faults na ito na malawakan na mararamdaman ang lindol at mula sa tinatawag na trench na ito ay ang malalim na bahagi ng dagat kung saan sumuksuk ang malalaking bato pailalim.

Dahil dito, sinabi ni Solidum na mahalaga na malaman ng mga mamamayan ang dapat gawin bago at pagkatapos ng lindol upang mabawasan ang malaking epekto sa ating buhay at sa komunidad.