Isinusulong ni Senator Erwin Tulfo ang isang panukalang batas na naglalayong magbigay ng interest-free loan para sa mga Overseas Filipino Workers (OFW) upang matustusan ang kanilang mga gastusin bago makapagtrabaho sa ibang bansa.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1696 o ang “OFW Pre-Employment Loan Assistance Act,” pinahihintulutang makahiram ng hanggang P100,000 ang isang manggagawa na mayroon nang tunay at aprubadong kontrata ng trabaho.

Ang hakbang na ito ay para maiwasan ang pagkalubog sa utang ng mga kababayan natin bago pa man sila makaalis ng Pilipinas.

Binigyang-diin ni Tulfo na bagama’t bilyun-bilyong dolyar ang ini-aambag ng mga OFW sa ekonomiya ng bansa, marami pa rin sa kanila ang napipilitang kumapit sa mga loan shark na may matataas na interes para lamang mabayaran ang placement fees, medical examination, training, at iba pang dokumento.

Ayon sa mambabatas, madalas na may mga lumalapit sa kanilang Action Center na problemado sa pambayad ng mga requirements, kaya layunin ng panukala na protektahan ang mga ito laban sa mapagsamantalang nagpapautang.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ilalim ng naturang panukala, magiging prayoridad ang mga first-time OFWs na bibigyan din ng hanggang 18 buwan para bayaran ang utang, bukod pa sa libreng financial literacy seminar.

Upang matiyak naman ang koleksyon at tamang pagbabayad, kailangang may isang kapamilya na magsisilbing co-borrower ng aplikante.

Nakasaad din sa bill na walang anumang interes na ipapataw sa loob ng unang taon ng pagbabayad.

Kapag tuluyang naging batas, pangangasiwaan ang programang ito ng Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).