TUGUEGARAO CITY- Sang-ayon si Mayor Carmelo Villacete ng Piat, Cagayan sa plano na magpatayo ng international airport sa kanilang bayan.
Kaugnay nito, sinabi ni Villacete na nagkaroon na ng dayalogo na dinaluhan ni Governor Manuel Mamba,
kinatawan ng Department of Agrarian Reform , Land Bank at mga magsasaka na maaapektuhan sa nasabing
proyekto.
Ayon sa alkalde, wala naman umanong tumutol na mga magsasaka sa nasabing plano dahil sa mabibigyan
naman umano sila ng kompensasyon.
Sinabi niya na maraming farmer beneficiaries ng Comprehensive Agrarian Reform Program o CARP ang
maapektuhan sa nasabing proyekto.
Bukod sa kompensasyon ay ang mga anak umano ng mga magsasaka ang prioridad na kukuning empleado
sakaling matuloy ang international airport.
Ang nasabing airport ay gagawin sa Barangay Warat at ilang bahagi ng Catarauan na may lawak na 300
hectares.
Naniniwala siya na lalo pang lalago ang ekonomiya ng Piat dahil sa tiyak na marami ang bibisita sa
kanilang bayan lalo na at doon matatagpuan ang Our Lady of Piat.
Ipinaliwanag ni Villacete na hindi sila ang humiling sa nasabing proyekto kundi ay mula sa pamahalaang
panlalawigan.