Nagpadala ng mensahe si dating Pangulo Rodrigo Duterte sa kanyang mga tagasuporta:

“If they ask how I’m doing, tell them invictus.”

Ang salitang invictus ay mula sa Latin na nangangahulugang hindi nagagapi o hindi sumusuko.

Ang mensaheng ito ay ibinahagi ng kanyang anak na si Veronica Duterte matapos niyang bisitahin ang kanyang ama sa detention facility sa The Hague.

Ang pagbisita ay naganap isang araw bago ilabas ng International Criminal Court Appeals Chamber ang desisyon kaugnay ng jurisdictional appeal ng dating pangulo.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Kitty Duterte, naging maayos ang kanilang pag-uusap at mas nakatuon ito sa mga personal na alaala at plano sa hinaharap, kaysa sa politika.

Sinabi rin niya na iniiwasan nilang pag-usapan ang mga kasong kinakaharap nito upang maiwasan ang pagkadismaya anuman ang maging desisyon.

Umaasa ang kanilang pamilya sa isang paborableng desisyon mula sa ICC.

Sa kasalukuyan, nahaharap si Duterte sa tatlong bilang ng crimes against humanity, kabilang ang umano’y pagkakasangkot sa hindi bababa sa 76 na pagpatay mula 2013 hanggang 2018. Siya ay naaresto noong nakaraang taon at kasalukuyang nasa kustodiya habang nagpapatuloy ang proseso ng kanyang kaso.